8

Oct 19, 2020 @ 19:29
By

30% seating capacity sa simbahan, mosque, chapel pinayagan sa Maynila

Inaprubahan ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pagdagdag ng seating capacity sa mga simbahan, mosque at chapel sa lungsod.

Mula sa dating 10% ay tinaasan ito sa 30%.

Nitong Lunes nilagdaan ni Moreno ang Executive Order (EO) No. 41 na nagpapahintulot na dagdagan ang seating capacity ng mga religious gathering para ma-promote hindi lang ang social at economic well-being ng kanyang mga constituent kundi maging ang “spiritual well-being” ng mga ito.

“There is a need for the city to address the spiritual needs of its constituents,” sabi ni Moreno sa executive order.

Sa ilalim ng EO, edad 18 hanggang 65 lang ang maaaring dumalo sa mga religious gathering at bawal pa rin ang mga menor de edad.

Binigyang-diin naman ng alkalde na dapat siguruhin ng mga religious leader na nasusunod ang mga minimum public health standard at protocol sa religious gathering.

Magugunitang nakipagkita si Moreno kay Archdiocese of Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo noong October 16 para pag-usapan ang pagdaraos ng “Simbang Gabi”.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?