51

Oct 18, 2017 @ 16:53

30 miyembro ng Aegis Juris, kakasuhan dahil sa cover-up

Ikinukunsidera ng mga magulang ni Horatio “Atio” Castillo III na sampahan ng kaso ang 30 estudyante at abogado na myembro ng Aegis Juris fraternity na umano ay nagsabawatan para pagtakpan ang mga nakapatay sa kanilang anak.

Sinabi ni Horatio Castillo II na mag-uusap sila ng kanilang mga abogado ukol dito.

“Mga abogado eh, they tried to conceal everything,” pahayag ni Castillo II.

Sa pagdinig ng Senado, ipinakita ang screenshot ng pag-uusap sa private chat room sa Facebook ng 30 miyembro ng fraternity.

Pinag-usapan doon kung paano maiiwas ang kanilang mga miyembro sa imbestigasyon

Bukod pa diyan, pinag-usapan din doon kung paano aalisin ang mga ebidensya sa fraternity library kung saan ginanap ang hazing rites at ang paghihintay sa payo ng kanilang mga fraternity elders ukol sa insidente.

Wala kahit isa sa mga kasali sa chat room ang nagsabi na ipabatid sa mga awtoridad ang sinapit ni Atio.

“Nagulat ako sa chat. And what’s striking is a lot of lawyers is involved parang may intent to cover up. That’s conduct unbecoming,” pahayag ni Castillo II.

Samantala, aminadong galit si Castillo II sa mga nakaharap na myembro ng fraternity pero naawa pa rin daw siya sa mga ito dahil mga bata pa pero wala na silang kinabukasan.

“Syempre galit ako, pero I pity them. At a very young age, their lives are over,” ani Castillo II.

Dahil sa pagsulpot ng mga impormasyon ukol sa fraternity members, malaki ang kanilang pag-asa na mabibigyan ng hustisya ang anak. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?