184

Nov 2, 2017 @ 18:41

3 most wanted ng Pasig, nalambat

Kulungan ang bagsak ng tatlo kataong matagal nang nagtatago sa batas matapos gumawa ng krimen nang malambat ng Pasig police, kamakalawa.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director S/Supt. Romulo Sapitula, nagsagawa ng manhunt operation ang Pasig Police upang mahuli ang mga kriminal na nagtago sa batas matapos makagawa ng krimen.

Unang naaresto si Carlo Angelo Quioge y Panganiban, bandang alas-nuwebe ng umaga ng Miyerkules sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Christian Emmanuel Pimentel ng MTC Branch 69 ng Pasig City sa kasong theft.

Si Ryan Catalan y Omadto, kabilang sa Top 14 Most Wanted Person dahil sa kasong robbery homicide ay nahuli alas-3:45 kamakalawa ng hapon sa Barangay Rosario, Pasig City sa dalang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Divina Garcia Lopez Pelino ng RTC Br. 167 Pasig City.

Nabitag rin sa matagal nang pagtatago si Sonny Domingo y Opena, kabilang sa Top 20 Most Wanted Person dahil sa kasong theft matapos magsagawa ng operasyon ang Intelligence Branch ng Pasig police bandang alas-tres ng hapon sa Ilang-Ilang St., Brgy. Pineda, Pasig City.

Si Domingo ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Marina Gaerlan Mejorada ng MTC Branch 70 ng Pasig City. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?