98

Dec 8, 2017 @ 21:32
By

3 venues balak ng SBP sa World Cup

Tatlong lugar sa bansa ang pagdarausan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), kapag nanalong host ng 19th FIBA World Cup 2023, kasama ang Japan at Indonesia.

Plano ng SBP na idaos ang mga laro sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan; Mall of Asia Arena sa Pasay City at sa Araneta Coliseum sa Quezon City.

Ang Japan ay isasagawa ang mga laro sa Okinawa habang ilang lugar ang tinukoy na rin ng Indonesia.

Umalis na ang delegasyon ng SBP na sina chairman emeritus Manuel V. Pangilinan, president Al Panlilio at executive director Renauld Barrios para himukin ngayon ang FIBA Central Board sa Switzerland na sa Asia gawin ang tuwing apat na taong torneo.

Sakaling manalo ang “Power of 3”, mahigit 16 sa kabuuang 32 koponan ang maglalaro sa tatlong bansa.

Tigwalong mga bansa sa Indonesia at Japan ang mga aaksyon sa eliminations. Ang Pilipinas na ang sasagot sa 8-team quarterfinals hanggang Finals bilang main host.

Pero mahigpit na karibal ng PHL-Japan-Indonesia ang dalawang Southern American countries — Argentina at Uruguay.

Matatandaan na unang nag-host ang Argentina noong 1950 at muling nag-host noong 1990. Isinagawa na rin ang torneo sa Uruguay noong 1967 at sa Japan noong 2006. (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?