182

Oct 19, 2017 @ 16:39

3 traffic enforcers, tiklo sa ‘kotong’

Tiklo sa entrapment operation ang dalawang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at isa pa dahil lamang sa P50 na kanilang kinotong sa isang taxi driver sa Tondo, Manila.

Base sa sumbong ng taxi driver na si Reynaldo Loquinario, 56-anyos, alam niyang nagkaroon siya ng traffic violation dahil sa pagliko niya habang naka-red signal ang traffic light sa CM Recto Ave., cor. Benevidez St., sa Tondo. Pero nagulat na lamang umano siya nang manghingi ng ‘pampadulas’ ang tatlong naniket sa kanya.

Dito na pumasok sa eksena ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na saktong nagmamanman sa lugar at agad na inaresto ang mga nangongotong.

Kabilang sa mga naaresto sina Adrian Halili, 25-anyos at Leonardo Adrales, 56, na kapwa mga tauhan ng MTPB at si Salvador Ignacio na traffic enforcer umano sa Varona St., Tondo, Manila.

Ayon kay Supt. Amante Daro, MPD Station 11 commander, matagal na silang nagmamanman sa tatlo dahil noon pa sila nakatanggap ng report sa iligal na aktibidad ng mga ito.

Dahil sa ginawang kalokohan, himas-rehas ngayon ang tatlo at nasibak na rin sa serbisyo ang dalawang tauhan ng MTPB dahil sa robbery extortion. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?