14

Aug 11, 2020 @ 16:09
By

3 testigo sa PhilHealth scam, binigyan ng legislative immunity

Pinagkalooban ng Senado ng legislative immunity ang isang kasalukuyan at dalawang nagbitiw na opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) matapos tumestigo kaugnay ng diumano’y iregularidad sa ahensiya.

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, isinulong ni Senador Panfilo Lacson na bigyan ng legislative immunity sina PhilHealth Board Member Alejandro Cabading, dating PhilHealth executive assistant Estrobal Laborte at nagbitiw na anti-fraud legal officer Thorrsson Montes Keith.

Inaprubahan ni Senate President Vicente Sotto III, chairman ng komite, ang mosyon ni Lacson nang walang senador na kumontra rito.

Si Keith ay naunang ibinunyag na nagbulsa diumano ang mga tinawag niyang ‘mafia’ sa PhilHealth ng mahigit P15 bilyon mula sa iba’t ibang scheme.

Sinuportahan naman ni Cabading ang ulat ni Keith tungkol sa overpriced na IT project.

Si Laborte, dating aide ni PhilHealth president at CEO Ricardo Morales, ay hindi nakadalo sa unang pagdinig ng Senado dahil sa banta sa kanyang buhay.

Lumutang siya nitong Martes at sinabing nagbitiw siya noong Hulyo dahil hindi na makaya ng kanyang konsensiya ang talamak na korapsiyon sa PhilHealth.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?