100
3 tanod, 2 pa buking sa pot session, pinakulong ng kapitana sa Malabon
By

3 tanod, 2 pa buking sa pot session, pinakulong ng kapitana sa Malabon

Kulungan ang bagsak ng limang lalaki kabilang ang tatlong barangay tanod at dalawang kasabwat matapos mahuli sa akto na nagpa-pot session sa Malabon City, Lunes (March 11) ng gabi.

Nakilala ang tatlong Barangay Longos tanod na sina Joselito Arganda, 49-anyos, residente ng Block 12, Lot 9, Phase 2; Arnaldo Rigunan, 50-anyos, ng Block 14-A Lot 12 at Rosaldo Roque, 43-anyos, ng Block 12-B Lot 41 Phase 2, Area 3 kasama ang mga kasabwat na sina Federico Jr. Reyes, 44-anyos at Philip Fesalbon, 24-anyos, kapwa mga residente ng Barangay Longos, Malabon City.

Ayon sa ulat ng Police Community Precinct (PCP) 3 ng Malabon City Police, nakatanggap sila ng tawag mula kay Kapitana Angelika Dela Cruz ng Barangay Longos bandang 11:30 Lunes ng gabi na kung saan ay may nagaganap umanong pot session sa Block 12, Barangay Longos na kinasasangkutan ng kanyang tatlong barangay tanod.

Agad na nagresponde ang pulisya at naaktuhan ang illegal na ginagawa ng limang suspek kaya agad na dinampot.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang limang sachet na naglalaman ng shabu.

Kasalukuyang nakakulong sa Malabon detention cell ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 11 ng R.A. 9165 o illegal drugs act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?