914

Feb 28, 2020 @ 11:18
By

3 swak sa P4.2M shabu sa Bulacan

Arestado ang tatlong lalake sa buy-bust operation sa Barangay Santol, Balagtas, Bulacan kagabi.

Ayon kay P/Col. Lawrence Cajipe, Acting Provincial Director ng Bulacan, dakong alas–9:00 ng gabi, Pebrero 27, nang masakote ang mga suspek na nakilalang sina John Carlo Villanobos, 23, taga-Olongapo City; Renie Boy Cahanding alyas “Badong,” 32, ng Subic, Zambales, at Ely Buenaventura, 41, ng Subic, Zambales.

Nabatid na ang tatlong nadakip ay kasama sa PDEA Unified Watchlist.

Dagdag ng mga awtoridad, ang mga naaresto ay galing sa Baclaran kung saan galing ang mga hinihinalang shabu saka idedeliber sa lungsod ng Olongapo at bayan ng Subic sa Zambales.

Dahil sa may biglang nagtext sa kanila na buyer mula sa lalawigan ng Bulacan, dumaan muna sila rito para pagbentahan ngunit hindi nila alam na ang nasabing buyer ay nabisto ng mga awtoridad, kaya natiyempuhan sila ng kapulisan na naging sanhi ng pagdakip.

Na-recover mula sa kanila ang isang weighing scale, 2 malaking plastic ng shabu na binalutan ng packaging tape at nagkakahalagang P4.2 milyon, at isang Mitsubishi Montero silver gray na may plakang RMU 731 na gamit sa pagbibiyahe ng hinihinalang shabu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?