56

Nov 6, 2019 @ 20:42
By

3 suicide bomber tumba sa shootout

Patay ang dalawang dayuhang terorista at isang Pilipino matapos makipagpalitan ng putok sa mga sundalo sa Sitio Itawon, Barangay Kan Islam, Indanan, Sulu, Martes ng hapon.

Ayon kay Lt. Col. Gerald Monfort, spokesperson ng Joint Task Force Sulu, misyon ng tatlong hindi pinangalanang terorista ang mag-suicide bombing sa Jolo bago nasawata ng mga sundalo.

Kapwa Egyptian ang dalawang dayuhan.

Ang dalawang foreign terrorist ay asawa at anak ng isang babaeng foreigner na namatay matapos ding subukang maglunsad ng suicide attack sa military post sa Barangay Tagbak, Sulu noong September 8.

Nobyembre 5 ng alas-4:30 ng hapon nang magpaputok ang tatlong suicide bomber sa mga miyembro ng 41st Infantry Battalion at 1102nd Infantry Brigade nang parahin sila sa national road sa Indanan.

Gumanti ng putok ang mga sundalo na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo.

Narekober sa mga napatay ang isang kalibre .45 na baril na may bala, isang granada, dalawang vest na may pampasabog at triggering devices, na katulad sa vest na ginamit ng suicide bomber sa Sulu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?