101

Nov 29, 2019 @ 15:24
By

3 sugatan sa sunog sa Las Piñas

Sugatan ang tatlo katao nang masunog ang may sampung kabahayan habang 30 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa problema sa koneksiyon ng kuryente sa Las Piñas City nitong Biyernes.

Agad namang nalapatan ng lunas ang mga biktima na sina Jesse Culina, 74; Hyde Zerna, 50, kapwa nagtamo ng minor burn injury sa kanilang mga paa, at Jennilyn Remigio, 29, nagtamo naman ng minor burn injury sa kaliwang braso, pawang nakatira ang mga ito sa Kamias St., Barangay Talon Uno ng naturang lungsod.

Base sa report na natanggap ng Southern Police District, alas-12:05 ng tanghali nang magsimulang sumiklab ang apoy sa bandang bubungan ng bahay ng mga biktima.

Hanggang sa mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang sampung kabahayan.

Hinala naman ng mga arson investigator ng Las Piñas Fire Department, posibleng sa kuryente ang dahilan ng sunog dahil sa nagkaroon ng problema sa koneksiyon.

Ayon kay Senior Inspector Steven Rex Rosales, ng Las Piñas City Fire Department, alas-2:30 ng hapon idineklarang fire-out ang sunog.

Sanhi ng insidente, nasugatan ang tatlong biktima at dinala ang mga ito sa isang pagamutan.

Patuloy pa ring nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at mupping operation upang masigurong ligtas na ang nasabing lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?