3,047

By

3 senatoriables ikinampanya ni Duterte sa Bicol Region

Mistulang ginawang panabla ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlo niyang senatoriables kapalit ng ibibigay na tulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Usman sa Bicol Region.

Bago matapos ang briefing na ibinigay sa kanya ng mga local official at mga pinuno ng ahensiya sa Pili, Camarines Sur kaugnay sa pinsala ng bagyong Usman, ipinakilala ng Pangulo ang kanyang mga “manok” sa darating na eleksiyon na sina Bong Go, Atty. Francis Tolentino at dating PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa.

Hindi man direktang hiningi ng Pangulo ang suporta ng mga dumalong kongresista, gobernador at mga alkalde mula sa Bicol Region, sinabi nitong kapag matalo ang mga ito ay may tatlong taon pa siya sa kanyang termino at tiyak na kakailanganin nila ang kanyang pirma.

Pabirong sinabi ng Presidente na maaari naman silang maging magkaibigan o kung hindi ay maaari namang walang imikan kahit sa matagal na panahon.

“I know that Bicolanos are a forviging tribe. But let me disabuse your time, I brought along my three candidates for senator. Hindi ko naman sinasabi na … pag matalo sila, may three years pa ako. Kailangan ninyo ang pirma ko sa release. Nasa inyo ‘yan, kasi puwede naman tayong magkaibigan, puwede naman tayong walang imikan. I have been used to it,” anang Pangulo.

Sinabi pa ng Presidente na lahat ay welcome sa Malacañang at maaaring humirit mula sa P46 billion na pondo ng road user’s tax pero kung ayaw ay mananatili aniyang malaking lawa ang kanilang lugar.

“Lahat naman dito, puwede naman kayong magpunta sa Malacañang, pahingi-hingi lalo na ‘yang P46 billion na ‘yan. Eh wala kayo, sigurado. It will remain a lagoon for you to swim,” dagdag pa ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?