576

Dec 16, 2017 @ 11:01
By

3-segundong mitsa ng paputok at pailaw, aprub!

Aprub sa publiko ang pagpapatupad ng tatlong segundong mitsa ng paputok at fireworks design bago ito sumabog alinsunod na rin sa pinaiiral na Firecrackers Law o RA 7183 (an act regulating the sale, manufacture, distribution and use of firecrackers and other pyrotechnic devices) at pinaiiwas ang mga bumibili ng pyrotechnics sa mga kolorum na tindahan ng paputok na higit na mas mabilis sumabog na maaaring pagmulan ng aksidente.

Ayon sa Abante source, sinusunod ng mga lisensiyadong pabrika ng paputok ang tatlong segundong mitsa dahil naaayon ito sa batas at kaligtasan ng mga mamimili ang nakasalalay dito matapos ang mga nakaraang insidenteng maraming mga paputok at pailaw ang mabilis na sumasabog dahil hindi standard ang haba ng mitsa nito.

Nakumpirmang patuloy ang ginagawang monitoring at pag-iinspeksiyon ng mga awtoridad sa mga pabrika, bodega at tindahan ng paputok sa Bulacan lalo na sa bayan ng Bocaue, Sta. Maria, San Rafael at Baliuag dahil nasa kasagsagan na ang pagmamanupaktura ng paputok at pailaw bagama’t may limitasyon ang paggamit nito ngayong taong ito.

Naniniwala ang mga negosyante ng paputok na bahagyang hihina at mababawasan ang kita ng mga fireworks trader ngayong pagpasok ng taong 2018 dahil sa batas na nilagdaan ng Punong Ehekutibo na magkaroon ng limitasyon sa pagpapaputok sa buong bansa upang mabawasan ang bilang ng aksidenteng napuputukan.

Ang Bulacan Philippine National Police (PNP) ay nakatutok ngayon sa mga paputok at pailaw na iligal na ibinibiyahe palabas ng probinsiya at mayroon ding mga police checkpoint sa mga maistratehiyang lugar para masigurong hindi mailulusot ng ilang negosyante ang mga pyrotechnic patungong Metro Manila at kalapit-probinsiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?