71

Jul 5, 2022 @ 15:31
By

3 poser ni Danao sa FB kalaboso

Himas-rehas ang tatlo katao matapos madiskubre na gumawa ang mga ito ng mga Facebook account na nakapangalan kay Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr.

Ayon sa PNP-PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG), noong Linggo naaresto ang tatlo gamit ang warrant to search, seize, and examine computer data (WSSECD).

Hindi naman isinapubliko ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek.

Gamit umano ang mga Facebook account na nakapangalan kay Danao, niloloko ng mga suspek ang bawat complainant at hinihingian ang mga ito ng ilang sako ng bigas para gamitin umano sa community relations efforts ng PNP.

Isa sa mga complainant ang nagsuspetsa sa Facebook account kaya naisumbong ito sa mga awtoridad.

Nakumpiska naman sa tatlong suspek ang dalawang laptop, 10 cellphone, tatlong passbook, ilang debit card, at isang 500 GB na flash drive.

Nahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Access Devices Regulation Act na nakapaloob sa Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?