295

Sep 21, 2019 @ 18:06
By

3 persons of interest sa pagkamatay ng kadete

Tatlong persons of interest at nasa 20 iba pa ang subject for investigation kaugnay sa pagkamatay ng isang Philippine Military Academy (PMA) cadet.

Ito ang kinumpirma ng Baguio City Police Office (BCPO) matapos ilabas ang resulta ng awtopsiya na isinagawa kay 4th Class Cadet Darwin Dormitorio na nasawi noong Miyerkoles (September 18) dahil umano sa trauma na naganap sa hazing.

Ayon kay BCPO Director Col. Allen Rae Co, mahaharap sa kasong administratibo ang tatlong hindi muna pinangalanang persons of interest kabilang ang isang third class cadet, second class cadet at nasa fourth class cadet dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Law.

Kasalukuyang nasa stockade confinement ang third class at second class cadets habang nasa holding area pa ang fourth class cadet.

Samantala, subject to investigation pa ang 20 kadete upang malaman kung may kinalaman sila sa naganap na insidente.

Kabilang ang doktor na isasailalim sa imbestigayon matapos na suriin si Dormitorio at sinabing may urinary tract infection (UTI) ang biktima matapos na ma-confine bago ito mamatay.

Matatandaang nasawi si Dormitorio ng 5:15 ng madaling-araw matapos itakbo sa PMA station hospital dahil sa pananakit ng tiyan at pagsusuka.

“Dormitorio’s cause of death was trauma caused by blunt force that led to the untimely demise of the cadet,” ayon kay Co.

Nakaranas umano ng maltreatment ang biktima base sa medico-legal result na inilabas ng PNP, Huwebes ng gabi na kung saan ay nakitaan ng signs of trauma sa palibot ng tiyan at baywang ng biktima.

Samantala, tiniyak ni PMA Superintendent, Lt. Gen. Ronie Evangelista na makakasuhan ng administrative charge sa paglabag sa Anti-Hazing Law ang mga may sala at posibleng magkaroon ng penalty of dismissal sa military service.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?