139

By

3 patay sa salpukan ng pick-up truck at sports car

Patay ang tatlo katao sa banggaan ng isang pick-up truck at sports car, Miyerkoles ng madaling-araw sa national highway sakop ng CM Recto Gusa sa Cagayan de Oro City.

Kinilala ang mga biktima na sina Rhett Lester Ang Gaeid, 21; Cameron Lilli Madrid, 21, at Louise Gail Lagman, 20.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Evan Viñas, spokesperson ng Cagayan de Oro City Police Office, alas-3:30 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng CM Recto Gusa.

Kasalukuyang minamaneho ni Jose Georlin, 49, ang isang kulay itim na Chevrolet Colorado nang makabanggaan ang kasalubong na Toyota MRS sports car na minamaneho naman ni Gaeid patungo sa hilagang direksyon ng nasabing highway.

Si Gaeid na sakay sina Madrid at Lagman ay patungo sa city proper habang si Georlin ay papunta naman sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.

Ayon sa mga nakasaksi sa pangyayari, masyado umanong matulin ang takbo ng sports car na nagpagewang-gewang sa kalye bunsod upang mabangga ito ng kasalubong na behikulo sa bahagi ng passenger seat.

Sa lakas ng pagkakabangga ay naipit sa loob ng sports car ang tatlong biktima kung saan sina Gaeid at Madrid ay idineklarang dead on arrival sa Cagayan University Medical Center habang si Lagman ay binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Nahaharap ngayon ang pick-up truck driver na si Georlin sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at damage to property.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?