641
3 patay sa Laguna ambush, sanggol sugatan
Jun 5, 2019 @ 14:18
By

3 patay sa Laguna ambush, sanggol sugatan

Patay ang chief tanod at dalawang kasamahan nito habang sugatan naman ang isang 8-buwang gulang na sanggol matapos silang tambangan ng apat na suspek na pawang nakasuot ng bonnet at sakay ng kotse nitong Miyerkoles ng umaga sa Sta. Rosa City, Laguna.

Kinilala ni Police Colonel Eleazar Matta, Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office, ang mga nasawing biktima na sina Nestor Rosario Callanga, 49; dating kagawad at ngayon ay chief tanod ng Barangay Dita na si Carlos Caraan Manimtim, 67, at Milencio Cueno Patapat, tanod, 46, habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa St. James Hospital ang 8-buwang gulang na sanggol na si Carl Gabrielle Callanga, anak ng nasawing si Nestor, na nagtamo ng tama sa braso.

Sa panayam kay Police Sr. Master Sargeant Jose Farrol III, may hawak sa kaso, naganap ang pananambang dakong alas-8:30 ng umaga sa kahabaan ng Dita Rotonda sa Barangay Dita ng nasabing lungsod.

Nabatid na lulan ng kulay metallic brown na Toyota Vios ang mga biktima nang pagdating sa nabanggit na lugar ay tambangan ng apat na suspek na pawang armado ng kalibre .45 baril.

Matapos ang pananambang ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng kulay pulang van na walang plaka.

Samantala dead on the spot sa lugar ng insidente si Patapat habang sina Callanga at Manimtim ay namatay habang isinusugod sa pagamutan.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung ano ang motibo at sa posibleng pagkakakilanlan ng mga salarin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?