933

Dec 26, 2017 @ 17:16
By

3 patay, 18 sugatan sa aksidente sa QC

Isang babae at dalawang lalaki ang namatay habang 18 ang nasugatan sa magkakasunod at magkakahiwalay na aksidente sa kalsada sa Quezon City kahapon ng madaling araw.

Batay sa report ng Quezon City Police District- District Traffic Enforcement Unit (QCPD-DTEU) Sector 6, ang unang aksidente ay naganap dakong ala-1:20 ng madaling araw sa Mindanao Ave., corner Quirino Hi-way tunnel, Brgy. Talipapa Quezon City na naging dahilan ng pagkamatay ng motor rider na si Carlo Dagpin, nasa hustong gulang, habang sugatan ang angkas nito na si Ferdinand Jimenez, 39.

Sa inisyal na imbestigasyon, sumampa sa center island ang sinasakyang motorsiklo ng dalawa kaya tumilapon ang mga ito at bumagsak sa sementadong kalsada na naging dahilang ng pagkamatay ni Dagpin at malubhang pagkakasugat ni Jimenez na kapwa walang suot na helmet.

Ayon kay PO3 Antonio Tabois, ng Traffic Scetor 6, habang nagsasagawa sila ng imbestigasyon sa unang aksidente ay isa namang motor ang bumangga sa isang SUV sa kabilang bahagi ng kalsada.

Sugatan ang rider na si Jerome Arpa at angkas nitong si Romeo Ya nang bumangga sa Isuzu DMax na minamaneho ni Dianne Lin na sinasabing biglang huminto para tingnan ang naunang aksidente.

Ang ikatlong aksidente ay namatay naman ang hindi pa nakikilalang motor rider na lalaki at ang angkas niyang babae na naganap dakong alas-3:50 ng madaling araw sa Mindanao Avenue corner Congressional Avenue, Quezon City.

Walang nakuhang identification sa dalawa na kapwa dead-on-the spot sa pinangyarihan ng aksidente makaraang pumailalim sa isang City bus na minamahero ni Danilo Dela Cerna, 44-anyos, residente ng Esterlink 1, Diamante St., Caloocan City, ang kanilang sinasakyang motorsiklo.

Ang ika-apat na aksidente ay naganap sa West Avenue corner Quezon Avenue, Quezon City kung saan ay 15-katao ang sugatan, kabilang ang isang buntis matapos banggain ng isang pampasaherong jeepney ang isang UV Express.

Ayon sa driver ng van na si Romelito Namatay, nakahinto siya dahil naka-pula ang traffic light, nang bigla na lamang siyang banggain sa likod ng jeep.

Sa lakas ng pagkakabangga ay umikot ang van at wasak ang likuran nito habang wasak naman ang harapang bahagi ng jeep.

Aminado naman ang driver ng jeep na si Arnel Obando na mabilis ang kanyang takbo at nawalan umano siya ng preno kaya nabangga nito ang van.

Ayon kay Obando , nang mapansin niyang hindi na kumakagat ang kanyang preno ay ibabangga sana niya sa gilid ng kalsada ang jeep pero may mga tao doon kaya idineretso na lamang at doon na niya nahagip at nabundol ang van.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?