70

Feb 14, 2020 @ 18:35
By

3 NPA todas sa engkuwentro kontra sundalo

Tatlong rebeldeng New People’s Army (NPA) na kinabibilangan ng dalawang mataas na opisyal ang napatay sa naganap na engkuwentro kontra mga sundalo sa isang liblib na lugar sa Brgy. Namatican, Sta. Lucia, Ilocos Sur, Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na rebelde sa mga alyas na Ka Goyo, secretary ng Kilusang Larangang Guerilya Southern Ilocos Sur; Ka Aunor, deputy secretary ng KLG SIS; at isang Maria Finela Cavero, alyas Ka Ricky.

Sa ulat ni Lt. Col. Rodrigo Mariñas Jr., commander ng 81st Infantry Battalion kay AFP Northern Luzon Command Chief Lt. Gen. Ramiro Rey, alas-10:30 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa nasabing lugar.

Ayon sa opisyal, nakatanggap sila ng report sa mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong rebelde.

Nabatid na ang mga rebelde ay nagpupulong sa isang bahay at hinihinalang nagpaplano ng panibagong paghahasik ng terorismo.

Agad nagresponde ang mga sundalo sa lugar na nagresulta sa bakbakan na tumagal ng sampung minuto.

Inilagak na sa Acosta Funeral Homes ang mga bangkay ng mga napaslang na rebelde para sa kaukulang disposiyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?