187

Jul 22, 2018 @ 22:23
By

‘3’ ni Nieto swak, Ateneo pinikit ang Taiwanese

PINAKAWALAN ni Matt Nieto ang 3-point shocker 3.1 seconds sa orasan na nagbigay sa Ateneo ng makalaglag-silyang 77-76 panalo kontra Chinese Taipei Blue sa 40th William Jones Cup sa New Taipei City Sabado ng gabi.

Pagpasok ng pamatay na 3 ni Nieto, tanging ang sigawan ng Blue Eagles bench at ang mangilan-ngilang supporters ng Pilipinas ang narinig sa Xinzhuang Gym.

Natahimik ang predominant crowd ng home team – ang National squad ng Taiwan. Tinalo sila ng collegiate squad ng Ateneo, ang UAAP champions.

Naiiwan ng isa sa huling tatlong tikada, inbounds si Thirdy Ravena at nagpulasan ang players ni Tab Baldwin. Si Nieto, galing sa bandang ilalim ng basket ay nag-pop sa elbow gamit ang dalawang screens.

Binatuhan siya ni Ravena, pagsalo ng bola ay pinakawalan bago pa umabot ang naiwan na bantay.

Pasok ang shocker, hindi na nakadiskarte ang home team.

Si Ravena ang nakadamba sa loose ball na nagresulta sa driving layup ni Gian Mamuyac at naitabla ang iskor sa 74-74, pero sa kabila ay natawagan si Ravena ng foul tungo sa dalawang free throws ng Taiwan na nagbigay sa kanila ng lead 76-74.

Tumapos si Nieto ng 13 points mula sa tatlong 3s, umayuda ng 11 points at nine rebounds si William Navarro. May eight points pa si Tyler Tio kabilang ang back-to-back 3s na nagdikit sa Eagles 57-56 pagkatapos ng three.

Rumesponde rin ng eight points si Angelo Kouame, tig-seven sina Ravena at Mamuyac.

Angat sa 5-2 ang Ateneo, may tsansa pa sa podium bagama’t medyo malabo na sa gold.

Para tumapos sa No. 1 ang Blue Eagles, kinailangan nilang tambakan ang Iran sa huling laro kahapon. Natalo ang Canada sa Korea Sabado rin, kapag muling nasilat ang Canadians sa Japan kahapon at naungusan ng Chinese Taipei ang Korea sabay sa sakaling panalo ng Pilipinas sa Iran ay magkakaroon ng four-way tie sa 6-2. Dadaanin sa quotient ang resulta ng final standings.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?