28
shabu-arrested
Jan 8, 2018 @ 14:39
By

3 nalambat sa pustahang shabu

Nalambat ng Pasig police ang tatlo katao sa isinagawang anti-criminality operation matapos mahuli sa aktong nagsusugal sa kalsada kasabay ng “pustahang shabu” umano ang laban, kamakalawa ng gabi sa Barangay Sta. Lucia, Pasig City.

Nakilala ang mga suspek na sina Larry Fernandez y Nuqui, 32- anyos, walang trabaho; Lito Carbonel y Flabiano at  Gilbert dela Cruz y Perico, kapwa nasa hustong gulang at mga residente ng nasabing barangay.

Batay sa report, nagpapatrulya ang mga kagawad ng PCP 6 nang mapansin ang kumpulan ng kalalakihan na nagsusugal bandang alas-10:40 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Tawi-Tawi St., sakop ng Barangay Sta. Lucia.

Agad na dinampot ang mga suspek habang nagpulasan naman ang mga miron kung saan may isang sumigaw na shabu umano ang pustahan sa cara y cruz.

Nakumpiska sa mga suspek ang P220.00 bet money at tatlong 25 centavo coin bilang “pangara” sa cara y cruz at apat na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling act at RA 9165 o illegal drugs.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?