122

Feb 28, 2019 @ 11:54
By

3 nalambat sa pustahang cara y cruz, shabu

Arestado ang tatlo katao kabilang ang isang babae matapos mahulihan ng shabu sa pustahang cara y cruz nang ireklamo ng pag-iingay sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Nakilala ang mga suspek na sina Darwin Olid y Lapada, 42-anyos, driver; Bembol Artoz y Natividad, 40-anyos, tattoo artist; at Marites Balading y Orani, 38-anyos, pawang mga residente ng Barangay Pinagbuhatan.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakatanggap ng reklamo ang mga tauhan ng Police Community Precinct-8 na maingay ang mga suspek habang nagsusugal ng cara y cruz na kung saan ay napag-alaman na shabu ang kanilang ginagawang pustahan.

Agad na nagresponde ang pulisya sa kahabaan ng Ilugin Phase 2, Barangay Pinagbuhatan, bandang 8:00 Miyerkoles ng gabi.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong piso na barya na pangara, Php 60.00 bet money at tatlong plastic sachet na naglalaman ng shabu mula sa dalawang lalaki.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling act at RA 9165 o illegal drugs act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?