92

Oct 12, 2021 @ 19:36
By

3 miyembro ng RAM hinatulan makalipas ng 35 taon

Sinentensiyahan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakulong ang tatlong miyembro ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa o RAM makalipas ang 35 taon.

Kaugnay ito sa kasong double murder ng mga akusado sa pagkamatay nina labor leader Rolando Olalia at driver na si Leonor Alay-ay.

Guilty ang inihatol ni Presiding Judge Marie Claire Victoria Mabutas Sordan ng Branch 97 laban kina dating Philippine Navy sergeants Desiderio Perez, Dennis Jabatan at Fernando Casanova.

Nabatid na sila ang kasama sa 13 RAM member na nakakulong at hinatulan ng guilty.

Isa sa mga akusado na si Col. Red Kapunan ay kasalukuyang Philippine Ambassador to Germany na naabsuwelto noong 2016 habang siyam ay pinaghahanap pa.

Ang RAM ay isang grupo ng Philippine military na gumawa ng ingay sa nagdaang EDSA Revolution para ipatapon ang diktador na si Ferdinand Marcos.

Sangkot din ang RAM sa serye ng failed coup attempts sa panahon ng administrasyon ni President Corazon Aquino.

In-award naman ng korte ang P1.2 milyong bayad pinsala sa mga naulila nina Olalia at Alay-ay.

“We happily accept the decision of the court in finding the three guilty for the death of Rolando Olalia and Leonor Alay-ay,” ayon kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat.

Dagdag ni Cullamat, patuloy silang hihingi ng katarungan sa pagpatay kina Olalia at Alay-ay noong November 13, 1986, na tinorture at itinapon sa madamong bahagi ng Antipolo City.

Isang special task force ang binuo para maresolba ang kaso at mahuli ang iba pang sangkot na RAM members.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?