84

Nov 27, 2017 @ 16:46
By

3 miyembro ng Ipit Gang, tiklo sa Malabon

Naaresto ang nasa tatlong mga miyembro ng Ipit Gang matapos sumalakay at mambiktima sa isang pampasaherong bus sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PSSupt. John Chua, ng Malabon City Police, ganap umanong alas-10:45 ng gabi sa kahabaan ng McArthur Highway sa Barangay Potrero, binabaybay ng pampasaherong bus ang naturang lugar na may biyaheng Baclaran-Malanday sakay ang biktimang si Molina Basas, 37-anyos, negosyante at residente ng Carlos St., Barangay Apolonio, Quezon City.

Pababa na sana umano noon ng bus ang biktima nang bigla na lamang siyang dikitan at ipitin ng dalawang suspek na sina Jhelmar Franco, 20, tubero, at Mark Joshua Fuentes, 19, pawang mga taga-QC din, at nang madikdik na ang biktima ay lumapit ang isa pang suspek na si Angelo Pioquid, 22, estudyante, saka dinukot mula sa bag ng biktima ang cellphone nito na Samsung Galaxy S8 na nagkakahalaga ng P38,000, at wallet na may lamang pera na higit P5,000.

Naramdaman ito ng biktima kaya pumalag siya saka humingi ng saklolo sa iba pang pasahero na agad namang natulungan at nadakma ang dalawa sa mga suspek na sina Franco at Fuentes ngunit mabilis na nakapuga si Pioquid tangay ang bag ni Basas.

Sa istasyon ng Malabon Police, dumating si Pioquid sakay ng isang Toyota Revo na may plakang XBH-387 na tila pupuntahan ang mga naaresto niyang kasamahan.

Pagpasok nito ay nakita siya ng biktima at sinabi sa mga pulis na isa umano ito sa mga suspek na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto, ngunit bigo na marekober ang mga gamit na ninakaw sa biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?