Abante-VisMin-Radar-patay
By

3 miyembro ng gun for hire, todas sa engkuwentro sa QC

Sharing is caring!

Napatay ang tatlong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng ‘gun-for-hire’ sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng pinagsanib na operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), Special Traffic Action Group at Highway Patrol Group Task Force Limbas sa nabanggit na lungsod kaninang madaling-araw.

Ayon kay Director, Police Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., nakilala ang mga nasawi na sina Garry Navarro, Aldwin Mabait at Jessie Roden, pawang mga residente ng Jabson St., Kalawaan, Pasig City.

Nakatanggap umano ang HPG police ng intelligence information tungkol sa mga suspek na may nakatakdang tambangan sa lungsod kaya’t agad silang nakipagkoordinasyon sa QCPD para maglagay ng ‘chokepoint’.

Dakong alas-dos ng madaling-araw (Mayo 2, 2018), naglagay ng ‘chokepoint’ ang mga pulis sa Payatas Road, malapit sa Violago Homes II, Brgy. Payatas, at naispatan ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo galing ng Montalban, Rizal.

Subalit nang makita ng mga suspek ang mga pulis ay mabilis na nag-U-turn ang mga ito pabalik ng Montalban.

Agad namang hinabol ng mga nabanggit na operatiba ng QCPD ang mga suspek subalit pinaulanan sila ng bala ng baril dahilan upang gumanti na rin ng putok ang mga awtoridad.

Duguang bumulagta ang tatlong suspek at isinugod sa Malvar General Hospital subalit binawian din ng buhay.

Wala namang namatay o nasugatan sa panig ng mga awtoridad.

Nasamsam ng SOCO team sa crime scene ang mga baril na kalibre .45, kalibre .38 at Remington caliber .45; cellphone; Yamaha Fino at SYM motorcycles na walang plaka.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?