131

Dec 16, 2017 @ 15:27

3 mangingisda nawawala sa bagyong Urduja

Naiulat na nawawala ang tatlong mangingisda habang libong residente na ang lumikas sa patuloy na pananalasa ng bagyong Urduja sa Eastern Visayas region.

Ayon sa Regional Disaster and Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), nakilala ang tatlong nawawala na sina Alfredo Berroja mula sa bayan ng Balangiga, Rogelio Gamalo, at Pepito Gacho, Jr., kapwa mula sa Lawaan.

Naglayag ang tatlong mangingisda sa karagatan noong Disyembre 13 sa kabila ng abiso ng Philippine Coast Guard (PCG) na delikado ang paglalayag dahil sa pagtama ng bagyo.

Inilikas mula sa kanilang tahanan ang may 94,904 katao sa Eastern Samar, Leyte at Samar dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa, ayon pa sa RDRRMC.

Tumaas umano ang tubig-baha sa rehiyon dahil sa tatlong araw na patuloy na pag-ulan.

Samantala, nakataas na ang tropical cyclone warning signal no. 2 sa Albay, Sorsogon, Masbate kabilang na ang Burias at Ticao Islands, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, at Leyte.

Habang signal no. 1 naman ang Southern Quezon, Marinduque, Romblon, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Northern Negros Oriental, Cebu, Northern Bohol, Southern Leyte, and Dinagat Islands.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?