336

By

3 magkakapatid na pulis sa viral video, ipapatapon sa Mindanao

Sharing is caring!

Inaaral ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na pagpapa-deploy sa Mindanao sa tatlong magkakapatid na pulis matapos magbitbit ng baril kahit naka-sibilyan na nakunan ng video at nag-viral sa social media sa Caloocan City.

Kinilala ang tatlong ito na sina PO3 Ralph Soriano ng Northern Police District; PO1 Rendel Soriano ng Caloocan Police; at PO1 Reniel Soriano ng Drug Enforcement Group.

Nakunan sa video ang mga pulis na nasa harapan ng isang bahay habang nakikipagdiskusyunan sa mga kamag-anak ng taong hinahanap nila na nakagitgitan sa kalye.

Ayon kay PNP Chief, Police Director General Oscar Albayalde, maliban sa tatlo, pinarerepaso niya rin ang listahan ng mga pulis na nasa PHAU o Personnel Holding and Accounting Unit.

Lahat aniya ng mga ito ay posibleng ipatapon sa mga lugar sa Mindanao na kulang ang mga pulis.

Sinabi ni Albayalde na kagagaling lang niya sa Koronadal City kung saan may nangyaring pagsabog kamakailan at humihingi roon ng karagdagang mga pulis.

Giit pa ng opisyal, hindi dahilan na porke nandito sa Metro Manila ang kasong administratibo ng mga nasabing pulis ay dito lamang sila dapat maitalaga.

Kung kakailanganin ay ipalilipat ni Albayalde sa regional office ang hearing ng kaso ng mga ito kung saan sila ipadadala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?