73
ABANTE-TNT-arestado
Nov 27, 2017 @ 14:03
By

3 Koreano arestado sa pagdukot ng kapwa Koreano

Arestado ang tatlong Korean nationals at isang Pilipinong kasabwat sa kanilang kidnapping operations kung saan ang mga biktima ay mga kapwa Koreano rin.

Kinilala ang mga suspek na magkapatid na sina Cha Jae Young at Cha Jae Sun, Kim Min Kwan Alyas Michael Lim at ang Pinoy na si Raymond Flores.

Sa Report ng PNP Anti Kidnapping Group (AKG) , alas-2:00 ng madaling araw noong Sabado nang kanilang nailigtas ang negosyanteng si Lee Dung Jae sakay ng isang Toyota Fortuner sa Parking Area ng Bureau of Immigration sa Intramurous, Manila.

Sa operasyon, naaresto ang nagbabantay na magkapatid na si Cha at si Flores habang si Alias Michael Lim ay naaresto sa follow-up operation malapit sa kaniyang Condominium Unit sa Padre Faura St, Ermita Manila.

Si Lim ang nagturo sa isang Carlos Garcia, alias OXO, ng Bureau of Immigration ang kanilang kasabwat.

Sa ulat ng Pulisya, Nobyembre 24 dinukot si Lee at tatlo nitong tauhan na sina Kim Dae Hyun, Jung Ju Wan, Kim Woo Min, sa Angeles City Pampanga at ipinatubos sa halagang P1.2 milyon.

Pero hindi pa pinakakawalan si Lee dahil nanghihingi pa ng dagdag na 1.2 Million pesos ang mga suspek.

Sa pagkakataong ito, ikinasa na ang operasyon ng PNP-AKG na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek at nabawi si Lee.

Ayon sa mga pulis, modus operandi ang grupo na maghanap ng target na Koreano bago kumuha ng pekeng mission order sa kasabwat nila sa bureau of Immigration na si Carlos Garcia.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang taga Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation (NBI) na kasabwat ng mga suspek. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?