48
gun-
By

3 kolektor pinagbabaril, paslit sugatan

Posibleng inggitan sa trabaho ang motibo sa ginawang pagpatay sa tatlong kolektor kung saan nadamay pa ang isang 6-anyos na batang lalaki ng dalawang ‘di pa kilalang gunmen sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Nabatid sa mga kapitbahay ng biktima ang posibleng motibo at pagiging kolektor nito sa Commonwealth Market.

Kinilala ni Quezon City Police Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga nasawing biktima na sina Rex Baldegantoz Belmonte, 30; Rhiela May Kapanyarihan Agraviador, at Efren Gadong, 33, pawang market collector nabanggit na palengke.

Namatay noon din ang mga biktima dahil sa dami ng tinamong bala ng ‘di pa malamang kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang ginagamot sa General Malvar Hospital ang 6-anyos na anak ni Belmonte na si Jonathan matapos na madaplisan ng bala ng baril sa katawan.

Bumisita lang umano sina Agraviador at Gadong nang maganap ang insidente dakong alas-otso ng gabi sa bahay ni Belmonte sa No. 260 Steve St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Batay sa misis ni Belmonte na si Julie Nicole, kumakain sila sa labas ng bahay ng kanyang mister at nasa loob naman ang dalawang kasamahan nitong kolektor nang biglang huminto ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang kanyang asawa.

Nang duguang bumagsak si Belmonte ay pumasok pa sa bahay nito ang mga suspek at niratrat din ang dalawang bisita nila na sina Agraviador at Gadong.

Inatasan naman ni Eleazar ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit na alamin ang tunay na motibo sa naganap na masaker at kilalanin ang mga salarin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?