363

Nov 2, 2017 @ 19:07

3 kelot kalaboso sa ininom na beer

Kulungan ang kinasapitan ng tatlong magkakaibigan matapos ireklamo ng may-ari ng beerhouse nang hindi magbayad sa ininom na beer at nag-table pa ng babae sa loob ng KTV bar kamakalawa ng madaling- araw sa Marikina City.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director S/Supt. Romulo Sapitula, naaresto sina Jay-Ar Mariveles y Bataan, Stevence Aguiling y Andrada at Virgilio Montemayor y Abejar, pawang mga nasa hustong gulang at residente ng Marikina City.

Batay sa report, nagsampa ng reklamo ang manager ng Kilpatrick KTV Bar matapos uminom ng alak, nag-table ng tatlong waitress ay nagwala pa ang mga suspek.

Ayon sa manager ng naturang KTV bar, dumating ang mga ito alas-11:00 ng gabi sa bar na matatagpuan sa BG Molina St., Parang, Marikina City. Agad na umorder ng beer at natipuhang mag-table ng tatlong waitress na kung saan ay inorderan ng ladies drink.

At nang malasing na ang mga suspek, nag-isa isa na silang tumayo hanggang sa maharang ng bouncer at nang singilin ay wala umano itong pambayad.

Kasalukuyang nakakulong sa Marikina detention cell ang mga suspek at nahaharap sa kasong estafa. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?