78

Oct 26, 2017 @ 12:37

3 kawatan tiklo sa CCTV

Arestado ang tatlong lalaki dahil sa pagnanakaw sa isang tindahan na nakuhanan sa pamamagitan ng CCTV sa Sampaloc, Maynila.

Kitang-kita sa kuha sa CCTV ang pagnanakaw ng tatlong salarin na kinilala ng Manila Police District Station (MPD) 4 na sina Ruben Perez Jr., Ryan Perez at Eduardo Velasquez sa tindahan sa No. 1031 J. Fajardo Exit, kanto ng Batanes St.,  Sampaloc.

Ayon sa may-ari ng JA Escario General Merchandise na si Jonathan Escario, nagulat siya nang makitang sira na ang kaha ng kanyang tindahan na naglalaman ng P69,000, natangay din ng mga kawatan ang tatlong cellphones at dalawang check book ng Security Bank nito.

Matapos na i-report sa pulisya,  inilatag ang follow-up operation laban sa tatlo na nagresulta upang matunton ang isa sa mga suspek na si Ryan na tumestigo sa umpisa ngunit nang mahuli sina Perez at Velasquez ay idiniin nila sa kaso ang una.

Ang tatlo ay isasalang na sa inquest proceeding dahil sa kasong robbery sa Manila City Prosecutor’s Office. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?