84

Dec 16, 2017 @ 16:23
By

3 katao patay sa pananalasa ng bagyong Urduja — NDRRMC

Tatlo katao na ang naitatalang nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Urduja, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon kay NDRRMC Director Ricardo Jalad, patuloy na bineberipika ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang impormasyong ito.

Sa inisyal na report ng NDRRMC, isang bata ang nalunod sa Mahaplag, Leyte dahil sa baha, habang dahil sa landslide ay namatay din ang isang indibiduwal sa Leyte.

Isa naman sa dalawang mangingisda na naitalang mga nawawala ang natagpuang patay sa Dinagat Island.

Nakakuha rin ng impormasyon ang NDRRMC na may anim na nawawala, tatlo rito ay mula sa Eastern Samar habang tatlo sa missing ay sa Biliran, Leyte.

Ang mga ito ay nawala matapos ang naganap na pagguho ng lupa o landslide.

Apat naman ang naitalang sugatan sa Leyte dahil sa pagguho ng lupa, dalawa ay sa BIliran at dalawa sa Tacloban.

Habang umabot na sa 11,101 pasahero ang istranded, 52 dito ay sakay ng sasakyang-pandagat na na-stranded sa Eastern Visayas region.

Umakyat na rin sa 8,831 pamilya ang lumikas, na ngayon ay nasa 141 evacuation centers. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?