By

3 kalaboso sa tong-its sa Pasig

Sharing is caring!

Halos magkanda-kuba na sila, makapagtago lang ng naglalaro ng tong-its sa gilid ng bahay ang nalambat ng pulisya, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Hindi inakala nina Odette Peligro y Galia; Richmond Dacara at Rodel Austria y Ramos, pawang mga nasa hustong gulang at residente ng Barangay Manggahan, Pasig City na mahuhuli pa sila dahil sa tagong lugar at gilid ng bahay sila naglalaro na halos nasa lapag na umano sila nakaupo, makapagsugal lamang.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ng Eastern Police District, nagsagawa ng Oplan Galugad/Bulabog ang mga tauhan ng PCP 7 bandang alas 9:00 Sabado ng gabi sa Lanzones St., Napico, sakop ng Barangay Manggahan, Pasig City.

Ayon sa report, halos nakayuko na raw sa paglalaro ang mga suspek nang malambat ng mga pulis at hindi na namalayan ang pulis na parating.

Nakumpiska sa kanila ang isang set ng playing cards at cash na nagkakahalaga ng P283.00.

Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling act ang tatlo na kasalukuyang nakakulong sa Pasig detention cell. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?