250

Dec 13, 2019 @ 21:00
By

3 holdaper na bumaril sa magdyowa, nadakma

Nadakma ng mga awtoridad ang tatlo sa apat na holdaper na bumaril sa magdyowa at nakapatay sa marketing manager habang malubha namang nasugatan ang girlfriend nito sa Quezon City, noong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Ronnie S Montejo, ang mga nadakip na sina Joemari Cortes, 22, glass installer; Jayjay Cortez, 26, tricycle driver, at Ramon Cabrera, 23, dishwasher, pawang residente ng Lico St., Brgy. 210, Tondo, Manila.

Ayon kay Montejo, ang mga suspek ay naaresto sa isinagawang follow-up operation ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa pamumuno ni PMaj. Elmer Monsalve nang makatanggap ng impormasyon kaugnay sa pinagtataguan ng mga suspek na nakilala ng testigo sa ‘gallery of rouges.’

Nabatid sa impormante na ang mga armadong suspek ay binansagang ‘Riding in Thunder’ at nagtatago sa nasabing barangay sa Tondo, Manila.

Sa report, bandang alas-10:45 ng gabi (December 12), ay nakipag-koordinasyon ang QCPD-CIDU sa Manila Police District (MPD) at natunton ang pinagkukutaan ng mga sinasabing holdaper na bumaril sa magdyowa.

Magugunitang nitong Sabado, (December 7) nang maganap ang insidente kung saan napatay ng mga suspek ang biktimang si Marcus Christian Ong, 36, binata, marketing manager, at residente ng No. 69 E. Jacinto St., Sto Nino, Marikina City, habang malubha namang nasugatan ang girlfriend na si Kristy Claire Cardenas, 23, dalaga ng No. 21-B Umali St., Brgy. Mariblo. SFDM, QC.

Ang insidente ay naganap dakong alas-9:40 ng gabi (December 7) sa harapan ng Tra Vinh Express na matatagpuan sa Scout Reyes kanto ng Panay Ave., Brgy. Paligsahan ng nasabing lungsod.

Katatapos lamang umanong mag-dinner ng magkasintahan sa Tra Vinh Express at habang naglalakad patungo sa parking area at sasakay sa kanilang nakaparadang sasakyang violet na Honda nang sumulpot ang dalawang motorsiklo sakay ang tig-dalawang lalaki at nagpahayag ng holdap.

Agad na hinablot ang shoulder bag ni Cardenas subalit nanlaban ang boyfriend niyang si Ong kaya pinagbabaril ang mga biktima ng mga holdaper saka tumakas.

Mabilis namang naisugod sa ospital si Cardenas sanhi ng tinamong limang tama ng bala ng di-pa batid na kalibre ng baril sa kaliwang bahagi ng katawan, subalit napuruhan ang kaniyang bofriend at namatay noon din.

Nakapiit ngayon sa QCPD headquarters ang tatlong suspek habang inihahanda ang kasong robbery with homicide laban sa kanila habang tinutugis ang isa pang suspek na kasama ng mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?