27
speedboat
By

3 HK nationals inaresto sa Basilan

Sharing is caring!

Dinakip ng mga awtoridad ang tatlong Hong Kong nationals sa lalawigan ng Basilan.

Kinilala ni Senior Supt. Rufino Inot, Basilan police director, ang mga inaresto na sina Tsz Kin Tsui 40, Wang Po, 33, at Chun Wai Ho, 32.

Ayon kay Inot, dinampot ang mga ito alas-sais ng gabi noong Miyerkoles sa Barangay Dasalan, Hadji Muhtamad, sa Pilas Islands.

Isang opisyal ng barangay umano ng Dasalan ang nag-report sa pulisya hinggil sa presensiya ng tatlong banyaga sa lugar dahil kahina-hinala umano ang mga ito.

Nang tanungin, sinabi ng tatlong dinakip na naglayag sila sakay ng double-engine speed boat mula Hong Kong patungong Indonesia, at napunta sa Hadji Muhtamad para magpa-gasolina umano bago bumalik sa Hong Kong.

Inamin din ng Hong Kong nationals na ginawa na rin nilang makabiyahe sa Thailand noong Pebrero gamit din ang naturang speed boat.

Samantala, itinurn-over na ang mga dayuhan sa Western Mindanao Command habang inilagak ang speed boat sa Basilan Provincial Police Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?