Hindi pinatawad ng Pasig Police ang tatlong babaeng nagkatuwaan umano na maglaro ng tong-its at dinampot ang mga ito dahil sa paglabag sa ordinansa, Biyernes ng gabi sa Barangay Rosario.
Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling acts sina Anita Villanueva, 57; Ashnyne Datudacula, 48; at Ligaya Bas, 50.
Batay sa report mula sa Eastern Police District (EPD), inaresto ang tatlo alas-7:00 ng gabi noong Biyernes sa bahay ng isa sa suspek sa Dr. Sixto Antonio Ave. Barangay Rosario matapos na makatanggap ng tip ang mga tauhan ng PCP 6 na may nagaganap umanong sugalan doon.
Agad na nagresponde ang pulisya at naaktuhan ang pagsusugal ng tatlong ale kaya sabay-sabay silang dinampot.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang P300 bet money at isang set ng baraha.