82

Dec 11, 2017 @ 18:11
By

3 drug pusher tiklo sa QC apartelle

Nadakip ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police District (DDEU-QCPD) ang tatlong umano’y drug pusher kabilang ang isang babae sa ikinasang drug operation sa isang apartelle sa Barangay E. Rodriguez sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay P/Chief Inspector Ferdie Mendoza, hepe ng DDEU-QCPD, isinagawa nila ang operasyon dakong alas-kuwatro ng madaling-araw na nagresulta sa pagkakaaresto nina Edfer Ducay, 31-anyos, ng Brgy. Botocan; Alfredo Ayong, 21, Brgy. Krus na Ligas, at Ana Marie Escorial, 19, ng Brgy. Malaya, sa Maria’s Place apartelle sa New York St., kanto ng St. Mary St., sa Brgy. E. Rodriguez sa Cubao.

Nakumpiska mula sa tatlo ang 20 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000.

Bagama’t aminadong mga drug users, mariin namang itinatanggi ng mga suspek na nagbebenta sila ng iligal na droga.

Sinabi ni Mendoza na matagal na nilang minamanmanan ang tatlo na ang taktika ay magpalipat-lipat sa magkakaibang apartelle sa lungsod.

Natiyempuhan naman aniya nila ito sa naturang apartelle kaya’t agad silang nagsagawa ng buy-bust operation laban sa mga ito.

Nabatid na isang asset ng pulisya ang matagal nang sumusubaybay sa tatlo at nang matiyak ang lokasyon ng mga ito ay agad ikinasa ang operasyon.

Ang tatlo ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?