9

Jul 8, 2020 @ 16:02
By

3 doktor ng PMA, 3 kadete pinaaaresto sa Dormitorio hazing

Ipinag-utos ng korte sa Baguio City ang pagdakip sa tatlong Philippine Military Academy (PMA) cadet at tatlong military doctor kaugnay sa pagkamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing noong 2019.

Itinakda sa P200,000 ang piyansa bawat isa nina Captain Flor Apple Apostol, Major Maria Ofelia Beloy at Lt. Col. Ceasar Candelaria sa kaso nilang murder dahil sa umano’y kapabayaan sa paggamot kay Dormitorio, ayon sa inisyung warrant of arrest ni Baguio Regional Trial Court Judge Maria Ligaya Itliong-Rivera.

Itinanggi ng mga naturang doktor ang maling diagnosis kay Dormitorio, na ginamot sa urinary tract infection, ilang oras bago ito nasawi.

Inatas din ang pag-aresto sa mga kadeteng sina Felix Lumbag Jr. at Shalimar Imperial Jr., na mga pangunahing suspek sa pagkamatay ni Dormitorio, at walang piyansang itinakda para sa kanila.

Gayundin ang ikatlong senior cadet na si Julius Carlo Tadena, na siya umanong nanguryente o nang-taser kay Dormitorio.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?