309

Nov 5, 2017 @ 15:53

3 cosmetic products, pinagbabawal ng FDA

Nagbabala ang Food and Drugs Administration (FDA) laban sa pagbili at paggamit ng mga cosmetic product na natuklasang naglalaman ng mataas na antas ng mercury.

Sa tatlong pahinang advisory na pirmado ni FDA Director-General Nela Charade Puno, kasama sa mga nasabing cosmetic product ay ang: Renow-D New Facial Cream Formula-One; Goree Day & Night Whitening Cream Oil Free; at Goree Beauty Cream with Lycopene with SPF 30 Avocado & Aloevera.

Natuklasan na ang nasabing mga produkto ay lagpas sa 1-parts per million limit ng mercury na itinakdang panuntunan ng FDA alinsunod sa ASEAN Cosmetic Directive.

Ayon pa sa FDA, lumabas din sa post-marketing surveillance na ang nasabing mga produkto ay hindi dumaan sa verification process ng ahensya at hindi naisyuhan ng kaukulang authorization.

“Mercury salts in cosmetic products inhibits the formation  of skin melanin which will result to lighter skin tone. Adverse health effects brought about by highly toxic mercury in cosmetics products include kidney damage, skin rashes, skin discoloration and scarring,” babala ng FDA.

Tinukoy pa ng ahensya ang peligro na maaring idulot ng tuluy-tuloy na paggamit ng produkto na may mataas na mercury content.

“Chronic use reduces the skin’s normal resistance against bacterial and fungal infections. Other effects include anxiety, depression or psychosis and peripheral neuropathy. The transfer of mercury to fetuses of pregnant women may manifest as neurodevelopment deficits later in life,” saad ng FDA sa abiso nito.

Kaugnay nito , binalaan ng FDA na pananagutin ang mga establisimyento na patuloy na magbebenta ng mga nasabing produkto.

Pinakikilos din nito ang lahat ng mga lokal na pamahalaan at mga law enforcement agency para matiyak na hindi naibebenta sa merkado ang mga nasabing cosmetic product. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?