By

3 Cebuanong menor de edad na kasabwat sa pagtutulak ng droga, nalambat

Sharing is caring!

Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Cebu City Police Office sa magkakahiwalay na buy-bust operations nitong Sabado ang tatlong menor de edad na kabataang positibong nagtutulak ng droga sa Cebu City.

Batay sa nakalap na report mula sa Cebu Police, naaresto si Riza Mae Cabigon, 18-anyos, computer programming student mula sa Sitio Riverside, Barangay Duljo Fatima, na nakuhanan ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu sa naganap na buy-bust operation bandang alas-otso, Sabado ng gabi.

Nasabat ng Cebu Police ang tatlong malalaking pakete ng shabu na may bigat na 85 gramo.

Todo tanggi naman si Cabigon sa 85 gramong droga na nakumpiska mula sa kanyang kuwartong at sinabing iniwan lang ito ng kaibigang si alyas Seboy.

Samantala, dalawa pang menor de edad ang nahulihan ng aabot sa mahigit P6 milyong halaga ng shabu.

Ayon sa report ng City Intelligence Branch (CIB) ng Cebu City Police Office, arestado sina Pejay Villanueva at Henry Santillan Tabalin, kapwa 19-anyos at residente ng Cebu City ang nahuli sa ikinasang buy-bust operations.

Isinagawa ang drug buy-bust operation sa Sitio Kamansi, Barangay Mambaling kung saan naaresto ang dalawang miyembro ng isang sinasabing malaking sindikato sa Region 7.

Ayon kay CIB Deputy Chief S/Insp. Jonathan Taneo, kasama sa listahan ng drug watchlist ang dalawa dahil sa patuloy na pagtutulak ng iligal na droga.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang nasa 500 gramo ng shabu.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Cebu City Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 11 at 5 ng RA 9165 o illegal drugs act.

Samantala, naging palaisipan sa pulisya kung bakit karamihan ng nahuhuli sa iligal na droga ay pawang mga menor de edad kung saan ay sila mismo ang nagtutulak ng libo-libong halaga ng droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?