0
views

By

3 carnappers dedbol sa encounter

Sharing is caring!

Tatlong hindi pa nakikilalang karnaper ang napatay matapos na agawin ang motorsiklo ng 32-anyos na lalaki at lampasan ang dalawang itinayong checkpoints at makipagbarilan sa mga humabol na mga operatiba ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa lungsod Biyernes ng madaling araw.

Ang mga napatay na karnapers ay pawang tinatayang nasa edad 35-40, nakasuot ng asul na sweat shirt at maong pants; ang ikalawa ay nakasuot ng floral long sleeves at maong na pantalon na may butterfly at may tattoo na ‘Cordova, Katipunan, Philip Carpio at Laloma sa katawan at kanang kamay habang ang ikatlo ay nakasuot ng checkered na long sleeves at maong na pantalon.

Sa inisyal na report sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU-QCPD) ang insidente ay naganap dakong alas-12:30 ng madaling araw (July 13) sa kahabaan ng Group 5, corner Payatas Road, Brgy. Payatas ng nasabing lungsod.

Ayon kina P/Chief Insp Hector Ortencio at P/Sr. Insp. Manuel Dela Cruz ng Anti-Carnapping ng QCPD, bandang alas 11:00 ng gabi ng Huwebes (July 12) habang minamaneho ng biktimang si Marvin Bolo ang kanyang kulay pink na Yamaha Mio nang harangin at sapilitang tangayin ng tatlong suspek sa kanto ng Matapang at Malakas Sts., Brgy. Central ng nasabing lungsod.

Agad na inireport ng biktima sa pulisya ang insidente na mabilis namang inalarma ng mga operatiba ng QCPD ang daraanan ng mga suspek.

Hindi naman nabigo ang mga pulis at dumaan sa itinayo nilang checkpoints ang mga suspek subalit mabilis na nilagpasan ang mga ito dahilan upang habulin nila ang mga nabanggit na karnapers.

Subalit nang makorner ng mga pulis ang mga suspek ay agad umanong nagpaputok ng baril ang tatlo, kaya naman gumanti na rin nang putok ng baril ang mga pulis.

“Sa unang checkpoint, lumampas sila at mabuti na lamang umano at nakaresponde agad ang mga pulis. Nang lagpasan na naman ng riders ang kasunod na checkpoint, nagkahabulan, nakorner ang tatlo, at nagkabarilan. Nagkaroon ng dalawa hanggang tatlong tama ng bala ang patrol car. ‘Yung isang motorsiklo na narekober mula sa isang suspek, yung may-ari nandito at sinabi niya na inagaw ang kaniyang kabibili lamang na motor sa may East Avenue,” pahayag ni Senior Superintendent Rolando Ylagan sa isang panayam.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?