518

Jan 1, 2018 @ 18:14
By

3 bebot, isa pa huli sa ‘party drugs’; P1M cocaine, ecstasy, nakumpiska

Umaabot sa P 1 milyon halaga ng cocaine, ecstasy na tinaguriang ‘party drugs’ ang nakumpiska ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa apat na naarestong suspek na kinabibilangan ng tatlong babae, sa isinagawang ‘buy-bust operation’ sa kahabaan ng Timog Avenue in Quezon City, nitong New Year’s Eve.

Personal na pinamunuan ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar, ang pagdakip sa mga suspek na nakilalang sina Michael Franz Carag, 22-anyos; Sarah Jane Sibayan, 25; Nina Recio at Dianne Eloisa Estrella, parehong 27-anyos.

Ang mga suspek ay naaresto ng pinagsanib na puwersa ng QCPD at Philippine National Capital Region Police Office , dakong alas- 7:45 ng umaga sa isinagawang entrapment operation sa harap ng Yan Cha restaurant sa Timog Avenue.

Nakumpiska sa mga suspek ang umaabot sa 30 gramo ng cocaine, 200 tabletas ng ecstasy at liquid ecstasy na nasa mga botelya.

Nakasamsam din ang mga operatiba ng anti-narcotics operatives ng 19 sachets ng cocaine at may timbang na 30 gramo na nagkakahalaga ng P300,000; 200 ecstasy tablets na nagkakahalaga ng P500,000 at apat na botelya ng liquid ecstasy o kilalang gamma hydroxybuterate na nagkakahalaga naman ng P200,000.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang P100,000 marked money at Mazda 2 sedan na may plakang ABE 7567, na ginagamit ng mga suspek sa pagta-transport ng mga nabanggit na iligal na droga.

Ayon kay Eleazar, nakarating ssa kanyang tanggapan ang impormasyon na ang mga naarestong suspek ay nakatakdang mag-suplay ng ‘party drugs’ para sa pagsalubong ng Bagong Taon, kaya agad niyang pinulong ang kanyang mga tauhan para magsagawa ng ‘entrapment operation.’

Inatasan na umano ng QCPD director ang kanyang mga tauhan na magsasagawa pa ng follow- up operation para matunton at madakip ang supplier ng apat. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o drug pushing laban sa mga nabanggit na suspek. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?