Benjie Paras

3 barangay sinorpresa ni Benjie Paras at ng PBA

Sharing is caring!

Nasorpresa ang tatlong barangay sa Metro Manila matapos bisitahin nina Hall of Famer Benjie Paras, Beau Belga ng Rain or Shine at Rodney Brondial ng Magnolia.

Kasama ng tatlong player ang mga opisyal at tauhan ng PBA na pinangunahan ni Officer-In-Charge Willie Marcial sa pagpunta sa Barangay Marilag, Project 4 sa Quezon City at Barangays Jesus dela Pena at Tanong sa Marikina bilang bahagi ng bagong programa ng liga na Corporate Social Responsibility (CSR) na tinaguring ‘PBA Homecourt’.

Sumama sina Belga at Brondial dahil sa community work nila matapos pagmultahin ng Commissioner’s Office sa hiwalay na pagsuway sa regulasyon bago ang holiday break.

Sa bagong panuntunan ng CSR, mabibigyan ng tiyansa ang players na mabura ang maliit na multa sa pamamagitan ng pagsabak sa basketball courts sa metropolis.

Boluntaryo naman ang ginawang pagsama ni 1989 Rookie-MVP Paras sa pag-iikot sa mga barangay bilang pagsukli niya sa suporta ng fans sa PBA.

Isang shootaround ang isinagawa sa tatlong barangay courts, na binibigyan ng regalo at tickets mula sa PBA ang nakakabuslong fans.

Ayon kay Marcial, isasagawa nila ito kada Huwebes o Sabado at kapag walang out of town games ang PBA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?