15

Aug 11, 2020 @ 15:42
By

3-anyos nakalistang senior citizen sa PhilHealth

Pinuna ni Senador Francis Tolentino ang aniya’y ‘overbloated’ na database ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), kung saan may nakalistang senior citizen na tatlong taong gulang lamang habang libo naman ang idineklara bilang centenarians.

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, ibinunyag ni Tolentino ang listahan kung saan ang mga miyembro na may edad 60-anyos pababa ay nakadeklarang ‘active senior citizens’.

“There’s a PhilHealth classification of senior citizens below 60 years old. Papaano naman po nangyari ‘yung senior citizen ka below 60 years old?” tanong ni Tolentino sa mga opisyal ng PhilHealth.

“Dito po sa figures na pinapakita ko, meron po ditong isang senior citizen na 18 years old. Meron po dito three years old, ginawa n’yong senior citizen. Three years old lang,” dagdag pa nito.

Sa dokumentong nakuha ng tanggapan ni Tolentino, nakita doon na may 40,000 na centernarians sa isang rehiyon habang ang isang rehiyon naman ay may nakalistang 10,000 centenarian bilang miyembro ng PhilHealth.

Dahil dito, sinabi ni Tolentino na panahon na para linisan ang database ng ahensiya.

“So it is possible that we have an overbloated list of members. Kaya ko po binabanggit baka tayo magkaproblema, ‘pag pinatupad po ‘yung national ID system. Pinakamarami po tayo — super centenarian — sa buong mundo,” sabi ni Tolentino.

“Kailan matatapos ‘yung pagke-cleanse ng records n’yo, baka bumoto pa ‘yung iba dito,” sambit pa nito.

Tugon naman ni PhilHealth president at CEO Ricardo Morales, magbubuo sila ng posisyon na reresolba sa problema sa kanilang database.

“Magke-create ho kami ng posisyon na corporate data officer,” sabi ni Morales kay Tolentino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?