175

Jan 3, 2018 @ 16:25
By

3-anyos na dinukot sa Las Piñas nailigtas; 2 suspek arestado

Nasagip na ng mga otoridad ang 3-anyos na batang babae na dinukot sa Las Piñas City noong Disyembre para gamitin sa pamamalimos.

Sa report na nakarating kay Police Chief Supt. Tomas Apolinario, hepe ng Southern Police District (SPD), nabawi ng mga otoridad ang bata sa Aplaya, Binakayan, Cavite.

Arestado roon ang nakilala sa pangalang Cerio Cinolete, 26-anyos, barker sa Binakayan.

Kasabwat umano si Cinolete ng arestado na ring si Giselle Omayan ng Mabolo, Bacoor.

Dinukot ang bata noong Disyembre 30, alas-10:00 ng gabi, sa Ilaya, Las Piñas pero nito lamang Enero 2, 2018 nagsuplong sa pulisya ang mga magulang nito na sina Nicasio at Daisylyn Bumatay.

Binalak umanong ipatubos ang bata pero dahil nalamang walang pera ang mga magulang dahil kapwa walang hanapbuhay, binalak gamitin ang bata sa pamamalimos sa kalye.

Nakita sa CCTV ang pagdukot sa bata at nagamit ito ng Las Piñas police sa imbestigasyon.

Unang nadakip si Omayan sa Zapote, Las Piñas kahapon at umamin sa interogasyon ukol sa pangalan at kinaroroonan ng kasabwat kaya natunton si Cinolete at ang batang biktima.

Inihahanda na ang mga kasong kriminal laban kina Omayan at Cinolete. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?