2,637
3 anak ni Cesar Apolinario gagawing iskolar ni Kara David
Dec 15, 2019 @ 19:10
By

3 anak ni Cesar Apolinario gagawing iskolar ni Kara David

“Ngayong wala na siya… tayo naman ang magmalasakit kay Cesar. Ipagpatuloy natin ang pangarap ni Cesar sa kanyang mga anak.”

Sinabi ni GMA News broadcaster Kara David na kukunin nitong iskolar ng “Project Malasakit” ang tatlong anak ng yumaong kaibigan at kapwa peryodista na si Cesar Apolinario.

Isang scholarship project ang Project Malasakit na sa kasalukuyan ay mayroong 25 scholar, karamihan dito ay mga child laborer at child abuse victim.

“Project Malasakit is taking in Cesar’s kids as scholars. Remuscesar Apolinario is an incoming senior high school student in STI Marikina. Athena Joyce Apolinario is in Grade 9 at Eastern Star Academy. Sofia Mendoza Apolinario is graduating from Grade 6. All three kids are honor students,” hayag ni David sa Facebook nitong Sabado, Disyembre 14, 2019.

Ayon kay David, si Apolinario ang isa sa pinakamapagbigay na taong kilala niya.

“Hindi sya mayaman sa pera, pero mayaman sya sa malasakit. Marami siyang natulungang mga tao at komunidad,” ani David.

Sinabi rin ng babaeng mamamahayag kung bakit “hindi mamamatay sa puso” ng publiko ang lalaki.

“Si Cesar ang breadwinner ng kanyang pamilya. Lumaki sya sa hirap, naging OFW, nagsikap hanggang maging reporter. Inilaan nya ang kanyang buong buhay sa pagtataguyod sa kanyang mga anak at pagtulong sa kanyang kapwa,” lahad ni David.

Pumanaw si Apolinario sa edad na 46 matapos ma-diagnose ngayong 2019 ng lymphoma o kanser sa lymph nodes.

Para sa mga gustong mag-donate, bisitahin lamang ang kanilang website (http://www.projectmalasakit.ph/). Pwede ring magbigay via credit card sa Bank of the Philippine Islands (Bank transaction
name: Project Malasakit Inc. at number: 3081-1136-79).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?