By

3 Abu Sayyaf na manggugulo sana sa ASEAN Summit, arestado

Sharing is caring!

Tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nagtangkang manggulo sa nakalipas na ASEAN Summit sa bansa ang naaresto ng mga awtoridad.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Ronald dela Rosa, noong Biyernes bago magsimula ang pangdaigdigang aktibidad nang maaresto ang tatlo sa Salaam Compound, Brgy. Culiat, Quezon City ng mga tauhan ng PNP, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at National Bureau of Investigation (NBI) Counter Terrorism Division.

Kinilala ang mga ito na sina Abdulgaffar Jikiri alyas Abu Bakar Jikiri, 19-anyos; Sadam Jhofar, 24, at Alim Sabtalin, 19, mga taga-Brgy. Culiat, Quezon City na mga miyembro ng ASG sa pamumuno ni Furuji Indama na nakabase sa Basilan.

Ayon kay Dela Rosa, ang mga suspek na ito ay nagtangkang magsagawa ng terror attack sa mga mall, Philippine International Convention Center o PICC at mga matataong parking area para guluhin ang nakalipas na ASEAN Summit.

“Well sila ay nahuli dahil sa pagbabantay natin sa ASEAN, natataon dumating sila dito prior to ASEAN alangan namang aatake ka sa ASEAN after ASEAN so it should be before the whole day of ASEAN kaya sila na-monitor,” sabi ni Dela Rosa.

Batay sa Intelligence ng PNP, dumating sa Maynila noong Agosto sina Sadam Jhofar at Alim Sabtalin habang noong Oktubre ay na-monitor ang pagdating din sa Maynila ni Abdulgaffar Jikiri, alyas Abu Bakar Jikiri.

Narekober sa kanila ang mga baril, bala at pampasabog.

Sa ngayon nagpapatuloy ang profiling sa tatlo para matukoy kung ano ang kanilang partikular na role sa pagtungo nila sa Maynila para sa plano sanang pag-atake.

Hindi rin nila inaalis na may kasamahan pa ang mga naarestong ASG members na nandito sa Maynila dahil nagpapatuloy aniya ang kanilang imbestigasyon. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?