26

Sep 30, 2021 @ 15:20
By

3.88M Pinoy nawalan ng trabaho sa August lockdown – PSA

Nasa 3.88 milyong Pilipino ang walang trabaho nitong Agosto na mas marami ng 810,000 kumpara noong Hulyo dahil nagpatupad ng lockdown sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ni Undersecretary Dennis Mapa ng PSA na bumababa na ang unemployment rate simula Mayo 2021 ngunit naudlot ito nang umakyat sa 8.1% noong Agosto.

Dulot aniya ito ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).

“`Pag may ECQ, ang affected talaga ay ang unemployment rate…malaki ang impact dito partikular na sa National Capital Region,” sabi ni Mapa kahapon.

Ang unemployment rate ay ang porsiyento ng mga walang trabaho sa labor force o ang populasyon ng mga nagtratrabaho at naghahanap ng trabaho na nasa edad 15 pataas.

Sabi ni Mapa, nasa 48.12 milyong tao ang laki ng labor force noong Agosto na dumami ng 3.38 milyon mula sa 44.74 milyon sa buwan ng Hulyo.

Aniya pa, lumalaki ang labor force sa panahong guma-graduate ang mga estudyante sa paaralan at nagsisimula nang maghanap ng trabaho.

Ayon sa PSA, pinakamarami ang nawalan ng trabaho sa sektor ng edukasyon kung saan 238,000 ang trabahong nawala.

Sumunod naman ang administrative and support service activities kung saan 183,000 naman ang nasibak.

Nabawasan naman ng 110,000 ang mga trabaho sa professional, scientific, and technical activities. May 85,000 na trabaho naman ang nawala sa construction at 83,000 sa human health and social work activities. (Eileen Mencias)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?