172

Oct 20, 2019 @ 17:47
By

2nd year college student, patay sa nakabalot na trash bag sa ulo

Misteryoso ang sinasabing pagpapatiwakal ng isang physical therapy student makaraang matagpuang nakabalot ng itim na garbage bag ang ulo at nakabulagta sa kama sa loob ng nirerentahang condo unit sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni PLt. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktimang natagpuang patay na si Jason, isang 2nd year student sa isang kilalang unibersidad sa loob ng kanyang nirerentahang condominium sa Brgy. Pasong Putik, Novaliches, QC.

Batay sa pahayag ng ina ng biktima sa imbestigador na si PSSgt. George Caculba, bandang alas-8:05 ng gabi nitong Oktubre 19, kasama ang kanyang anak ay pinuntahan nila si Jason sa condo nito dahil hindi umano sumasagot sa kaniyang mga tawag sa cellphone.

Subalit pagdating umano nila sa condo ni Jason ay nagtaka sila kung bakit hindi naka-lock ang pintuan ng unit kaya pumasok na sila at doon ay bumungad ang bangkay ng biktima na nakabulagta sa kama at nakabalot ng garbage bag ang ulo.

Mabilis na humingi ng saklolo ang ina at kapatid ni Jason sa mga guwardiya ng nasabing condo na siya namang tumawag sa Fairview Police Station 5.

Ayon sa mga nagrespondeng SOCO team na pinamumunuan ni PLt. Col, Nellson Sta. Maria, nasamsam nila sa tabi ng bangkay ng biktima ang kable ng telepono, itim na garbage bag, at umano’y suicide note.

Bagamat wala namang nakitang external injury sa bangkay ng biktima ay patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon kung may ‘foul play’ sa sinasabing pagpapatiwakal ng therapist student.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?