94

By

2K bagong kaso ng HIV, naitala ng DOH

Halos dalawang libong bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) ang naitala ng Department of Health (DOH) mula Hulyo hanggang Agosto ng taong ito.

Ayon sa HIV/AIDS Registry of the Philippines, kabuuang 1,962 na mga bagong kaso ang kanilang naitala sa loob ng dalawang buwan.

Nangangahulugan umano ito na sa bawat araw, may bagong 31 kaso ng HIV na naitatala noong Hulyo at Agosto.

Siyampu’t limang porsyento sa mga bagong kaso ay mga lalaki, mahigit 50-percent ay mula sa age grohp na 25 hanggang 34 taong gulang, habang 31-percent naman ay mga kabataan na nasa edad 15 hanggang 24 taong gulang.

Mula sa naitalang bagong kaso, 250 ay humantong na sa acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).

Ang rehiyon na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso ay National Capital Region (NCR) na may 732 kaso; Calabarzon o Region IV-A na may 344 kaso; Central Luzon o Region III ay may 179; Central Visayas o Region VII ay may 144 kaso; Western Visayas o Region VI ay may 121 kaso at Davao Region o Region XI ay may 116 kaso.

Nang dahil sa mga bagong naitalang kaso, umaabot na aa 7,363 ang kabuuang kaso ng HIV na naitala sa bansa mula Enero hanggang Agosto ng taong kasalukuyan.

Tinukoy pa ng DOH na mula Hulyo at Agosto, 118 na ang mga namatay sa HIV/AIDS. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?