220

Aug 3, 2018 @ 19:31
By

264K guro, sundalo, pulis kailangan ng gobyerno

Nangangailangan ngayon ang gobyerno ng maraming guro, sundalo, pulis, mga propesyon sa medical field at iba pa para punan ang 264,000 na bakanteng puwesto sa gobyerno.

Sinabi ni Budget Sec. Benjamin Diokno, dapat samantalahin ng publiko ang pagkakataon na mag-apply sa gobyerno lalo na hindi na nagkakalayo ang sahod at benepisyo sa pribadong sektor.

Sinabi ni Diokno na inatasan na niya ang mga ahensiya ng pamahalaan na punan ang mga bakanteng puwesto sa loob ng limang taon dahil kung hindi ay bubuwagin ang mga ito.

Sa nabanggit na mga bakanteng posisyon, 47% nito o katumbas ng 125,000 ang kailangang guro; 34,306 para sa mga militar at uniformed personnel; 13,914 medical personnel at 90,328 para sa general civil servants.

Sinabi ni Diokno na ang mga bakanteng puwesto ay nasa Metro Manila, Calabarzon at Bicol Region.

“Your country needs you. If your calling is true service to your countrymen, join government. We cannot deliver our programs and services as efficiently and effectively as possible without our civil servants there doing the work,” ani Diokno.

Sa Agosto 12 ay mayroong “Jobs, Jobs, Jobs” Caravan ang Department of Labor and Employment para punan ang mga bakanteng puwesto sa gobyerno partikular ang mga trabahong may kinalaman sa construction sector.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?